Ang Tikbalang

;}
Tikbalang (wikipedia)
"Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot lamang iyon para magbait ang
mga bata, hindi ba?" tanong ni Edith sa panganay na kapatid.

"E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli
sila nito."

"Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari," pakiusap naman ng
bunsong si Teresa.

"O, halikayo at makinig kayo."

Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang
nagngangalang Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda
na ay mabait pa.

Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang
nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na
binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang.
Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni't ang
napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.

Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga
kaya't hindi nagtagal at sila'y ikinasal. Maligayang mga araw, ang
nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.

Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang
babae na pinangalanang Ligaya. Nguni't sa maaliwalas nilang langit ay
dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay
pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.

Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas,
naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha
niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang
nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang
mga kamay at waring hinihingi ang bata.

"Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!" Hinigpitan ni Roberto
ang pagkapangko sa bata at umiiling.

Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong mahigpit
ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni't hindi siya makatulog
sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi,
naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.

"Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong tulad
ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga puno
ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas."

"Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po'y mga istorya lang iyon,"
takang-takang tanong ni Roberto.

"Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging
ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa.
Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng lumbang."

"Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang
pamimilit niyang makuha ang bata," halos maiyak-iyak si Roberto.

"Hayaan mo't paghahandaan natin," pangako ng matanda.

Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si
Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto,
biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at
dagling tumalon sa bintana.

Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang
nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno
ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.

"Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo
ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo
gagambalain. Maawa kayo."

Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga
lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.

Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang batang
si Ligaya ay lumaki't naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng
ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at inalagaan
niya ito hanggang sa katandaan.

"Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate," sabi ni Edith. "Baka
kami hindi makatulog."

"Magdasal muna kayo bago mahiga," paalala ng panganay, "kung hindi,
sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!"

No comments:

Post a Comment