Ang Alamat ng Buwan at mga Bituin

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin.  

Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa alamat na ito ang mga sagot.

Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo.  Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto.  Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda.

Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.

"Maria, magbayo ka ng palay," ang wika ng ina.

"Opo," ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.

"Maria, magmadali ka," ang tawag na muli ng matanda.  "Wala tayong bigas na isasaing."

"Opo, sandali po lamang," ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.

"Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay.  Madali ka," ang galit na galit na utos ng matanda.

Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay.  Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas.  Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali.  Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay.  Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.

"Napupuno ng pawis ang aking kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
"Hinubad niya ang kuwintas.  Inalis ang kanyang suklay.  Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay.  Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.

"Kay ganda ng aking suklay at kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili.  "Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas."

Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas.  Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong.  

Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya napapansin.  Sa palay na ngayon ang kanyang tingin.  Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas.  Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.

Sa bawa’t pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa’t pagbunggo naman ay tumataas ang langit.  Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit.  Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.

Tumaas nang tumaas ang langit.  Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas.  Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na.  Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas.  Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan.  Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.

"Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay," ang wika ni Maria sa kanyang sarali, "At anong kinamg ng mga butil ng aking kwintas!”

Ang Mayabang na Pagong



Isang araw, isang pagong ang naghihingalo dahil sa labis na gutom at uhaw.  Dalawang ibon ang nakakita sa pagong na iyon.  Tinulungan siya ng mga ibon na kumuha ng isang kahoy.  Hinawakan nila ang kahoy sa magkabilang dulo gamit ang

kanilang tuka.  Nakasabit sa gitna ng kahoy ang pagong, gamit naman ang kanyang bibig.  Inilipad siya ng dalawang ibon na ito upang dalhin siya sa ligtas na lugar.

Nasa himpapawid sila ng marinig nila ang usapan ng mga taong nag-uusyoso.  “Tingnan ninyo!  Kamangha-mangha ang mga ibon!  Hila-hila nila ang isang pagong.”

Ibig magyabang ng pagong at nais niyang magpasikat sa mga tao.  “Kumusta na kayo?” sigaw niya.

Dahil sa pagsasalita niya at pagbuka ng kanyang bibig, ang pagong ay nahulog.

Ang Langgam at Ang Tipaklong

Ang langgam ang pinakamasinop na insekto. Hindi siya tumitigil sa paghahanap ng pagkain para sa panahon ng tag-ulan.

Ang mayabang na tipaklong naman ay pakanta kanta lang. Panay ang pamamasyal. Kung pagod na siya ay matutulog na siya. Nang dumating ang tag-ulan, walang naipong pagkain ang tipaklong.

Humingi ng pagkain ang tipaklong sa langgam, nagdahilan siya na mayroon siyang sakit.

Pinagsabihan ni langgam si tipaklong. “Iyan ang sinasabi ko sa’yo. Hindi ka nag-ipon ng makakain noong tag-araw. Tapos ngayon, hihingi ka sa akin. O sige, bibigyan kita ngayon, pero sa susunod ay hindi na”.

Tinanggap ni tipaklong ang pagkain kahit nahihiya siya kay langgam. Nangako siya sa sarili na magiging masinop na rin siya para mapaghandaan ang tag-ulan.


Aral: kailangang maging masinop.. kung may itinago, may may madudukot

Maikling Kuwento - MAGPINSAN

MAGPINSAN
ni Amado V. Hernandez
Liwayway, Mayo 23, 1924

Mula sa Langaw sa Isang Basong Gatas at Iba Pang Kuwento ni Amado V. Hernandez, Rosario Torres-Yu (Patnugot), University of the Philippines Press, Diliman, Quezon City, Philippines 1996

I.
"Magandang araw po."  Pamimintana ni Ligaya sa kanilang durungawan ay isang liham ang inihagis sa kanya ng tagahatid sulat na nagbigay ng "magandang araw."   Marahan niyang ginupit ang isang dulo ng sobre, tiningnan, nangunot ang noo at saka napahalakhak ng malakas.

"Ha, ha, ha.  Nasisira yata ang ulo ni Nestor!" ang nasabing tatawa-tawa.


II.
Ang totoo ay hindi sukat akalain ni Ligayang makapangangahas si Nestor na magpapahayag sa kanya ng pag-ibig.  Silang dalawa ay magpinsan.  Makipagsintahan siya kay Nestor ay walang salang magiging bukang-bibig ng madla na sila ang magpinsang "nagpipisan."   Kay laking kahihiyan, marahil!  At saka si Nestor, ayon sa kanya, ay hindi pa naman tunay na binata kundi bago pa lamang nagbibinata.   Kailan lamang ay nakaputot ng salawal at ni hindi makuhang ayusin ang buhok.   Noon lamang mga nakararaang taon ay lagi silang magkasama sa paglalaro.   Madalas pa siyang ipinamimitas ni Nestor ng sari-saring bungang-kahoy sa kanilang bakuran na pagkatapos ay pinagsasalunan nilang dalawa. Kung tanghaling tapat ay madalas silang makagalitan tuloy ng kanyang ina dahil sa hindi nila makuhang matulog at nalilibang sa paglalaro ng sintak sa puno ng hagdan.  Ganon na lamang ang sarap ng kanilang matalik na pagsasama na wala silang iniwan sa tunay na magkapatid.  Kaya lamang sila nagkahiwalay ay nang ipasok na siya sa kolehiyo.  Nagkaiyakan pa silang matagal dahil sa pangambang makalimot ang isa't-isa.  Awang-awa siya kay Nestor.

II.
Ngunit noo'y mga batang musmos pa lamang sila halos.  Marami ng araw at taon ang nakalipas.  Nang kanyang lisanin ang kolehiyo ay magdadalaga na siya.  Sa dahon ng kanyang ala-ala ay malabo na ang titik ng panahon.  Nagdaan ang masayang kabataan nila ni Nestor na hindi na niya ganoon nagugunita.  Nang magkita sila ng kanyang pinsang binata, pagkaraan ng isang mahabang panahon ng pagkakahiwalay, ay nagkahiyaan sila, kung bakit, at hindi nakuhang magbatian.  Si Nestor ay nasilaw sa kanyang kisig at ganda, samantalang siya naman ay nanibago kay Nestor.  Binata na pala ito! Ang nasabi sa kanyang sarili.  Buhat noon, kung sila'y magkasalubong ay tumutungo siya upang mailagan ang mata ng kanyang pinsang binata at si Nestor naman ay lumilihis ng daan dahil sa malaking pagkaumid at pag-aalang-alang sa kanyang pinsang dalaga. 

IV.
Kaya ganoon na lamang ang panggilalas ni Ligaya ng tanggapin niya ang sulat ni Nestor. 

"Marunong na palang lumigaw ang pilyong yaon," ang wika pang nakangiti.

Ipinalagay niyang si Nestor ay nahihibang.  Dili kaya'y nagbibiro.  Kaya hindi pinansin ang liham ng binata.  Saka ang pag-ibig ay hindi pa rin naman nagigising sa kayang puso. 

V.
Pagkaraan ng mahigit na dalawang linggo ay nagsisi si Nestor kung bakit siya nakapagtapat pa kay Ligaya.  Wala nga namang unang pagsisisi.  Ngayon na lamang niya nakurong   malayo siyang ibigin ng kanyang magandang pinsan.  Si Ligaya ay tanyag na tanyag sa mga lipunan, mula ng lumabas sa kolehiyo, samantalang siya'y palad ng makadalo sa isang piging minsan sa isang buwan.  Maraming maginoo at hombres de profesion na nangingibig kay Ligaya at siya'y isang estudyante pa lamang na pinakakain at pinaghihirapan ng kanyang ama.  Isa nga naman palang kabaliwan ang kanyang pag-ibig.   Lalong nag-ibayo ang kanyang pagkakimi sa harap ni Ligaya.  Kung minsang sila'y nagkakatagpo sa isang sayawan o piging ay hindi niya magawang sumulyap man lamang sa mukha ng kanyang pinsang dalaga, habang yao'y ngingiti-ngiti at parang ikinasisiyang-loob ang makitang siya'y labis na nagugulumihanan. 

VI.
Nguni't ano ang kanyang gagawin?  Siya ay lalaki at lalaking may puso.  Ang tibok ng puso ay makapangyarihan.  At hindi maaaring pigilin, lalong mahirap at hindi mangyayaring limutin niya si Ligaya.  Si Ligaya ay inibig na niya at minahal, sinundan-sundan ng paningin at pinintuho ng buong kaluluwa mula pa sa kanilang kabataaan.   Ang isang bagay na naukit sa diwa at napunla sa puso sa panahon ng kamusmusan, ay hindi  na malilimot at mamamatay sa habang panahon.  Ang mga ala-ala ng ating kabataan ay siyang matamis sa lahat, sariwa sa lahat at mahal sa lahat.  Talagang si Nestor ay hindi nakalimot kay Ligaya.  Ewan nga lamang niya kung bakit naparam na sa isip ng dalagang yaon ang kanilang kahapong lipus sa kaningningan ng mga murang guni-guni at masamyo sa pabango ng kawalang-malay.   Wala nang masakit na alalahanin na gaya ng mga ala-alang nagbabalik sa gunam-gunam ni Nestor.  Ngayon siya'y nasa gitna ng luha at lungkot.

VII.
Nang hindi nagtamo ng tugon ang ikalimang sulat ni Nestor kay Ligaya, ay niyari sa loob ng binata na hindi na siya muli pang susulat sa pinsang walang puso.  Naisip niyang sayang lamang ang panahon at pagod nang magpakabaliw sa isang bagay na tila hindi matatamo.  Ang pag-ibig ay may dalawang hanggahan:  luwalhati at pagtitiis.  Yamang sa pagtitiis siya itinalaga ng tadhana ay tila kabaitan ang sumang-ayon sa gunita ng palad.   May araw ding mabibihis ang kanyang pagdurusa.  Sadyang ang alin mang pangarap na mahalaga at dakila ay hindi natutupad sa iisang gabi.  Kinakailangang maglamay at magpakasakit, magbata at lumuha.

VIII.
Pinag-ibayo ni Nestor ang pagsisikap sa pag-aaral.  Kung siya'y makatapos na ng karera, sa paano't paano man ay hindi na kahiya-hiyang mangibig kahit kanino.  Ang titulo ay isang kalasag na malaki ang nagagawa.  Kung wala mang paglingap si Ligaya sa kanya ngayon baka kung siya ay isang doktor na ay malamuyot din ang puso at mabagbag ang kalooban ng pinsang walang awa.  Kaya nagsunog ng kilay si Nestor.

IX
Samantalang si Ligaya ay patuloy sa kanyang pagkabulaklak ng lipunan.  Kung sabagay ay hindi naman siya katulad ng ibang dalagang pag natatanyag na sa gitna ng palalong sosyedad ay nagkakaroon ng marungis na batik ang iwing dangal at ang angking kabanguha'y napagsasamantalahan ng ilang mapagsamantala.   Si Ligaya ay hindi gayon.   Habang siya ay napapasa-itaas ay lalo siyang nagpapakalinis, lalong pinag-iibayo ang kanyang kababaang-loob, at katamisan ng ugali, lalong sinikap na siya'y maging karapat-dapat sa mata ng sambayanang nakapako sa kanyang mga kilos. 

X.
Pagkaraan pa ng tatlong mahahabang panahon ay nagtapos din si Nestor sa pagka-manggagamot.  Isang batang-batang manggagamot na nginingitian ng pag-asa at pinatatapang ng lalong matatamis na pangarap.  Datapwat kung ano ang tagumpay ngayon ni Nestor ay siya namang kabiguan  ni Ligaya.  Dahil sa malabis na pagpupuyat gabi-gabi sa kung saan-saang sayawang idinaraos ng gayo't ganitong samahan at kapisanan, bukod pa sa panonood ng mga dulaan at sine, ang murang katawan ni Ligaya ay hindi nakatagal.  Siya'y lumura ng dugo at unti-unting nangayayat.  Dahan-dahang nalanta ang rosas sa kanyang dalawang pisngi at naglamlam ang langit sa kanyang mata.


XI.
Nang mabalitaan ni Nestor ang kaawa-awang kalagayan ni Ligaya ay dali-daling inihandog ang kanyang tulong.   Ang pinsang dalaga ay tumalima naman sa kanyang mga tagubilin.  Ang buong panahon at pagsisikap ni Nestor ay inukol na lahat sa pagpapagaling ng karamdaman ng kanyang minamahal.

"Malulunasan mo pa kayo ako, Nestor?" ang tanong sa kanya minsan ng may sakit.

"Oo, gagaling ka, pagagalingin kita, aalagaan kita," ang masuyong sagot ni Nestor.


XII
Isang matamlay na ngiti ang itinugon ng dalaga.  May apat na buwan na si Ligaya sa kanyang cottage sa mataas na siyudad ng Baguio.  Ang sariwa at malinis na simoy ng hangin, ang mabibiyaya at katangi-tanging singaw ng nagmumula sa pusod ng mga bundok at ang mabuting paraan ng panggagamot ni Nestor ay siyang nagkatulong-tulong upang lubusang bumuti ang karamdaman ng paralumang maysakit.  May dalawang buwan pa lamang si Ligaya sa itaas ng Baguio ay tumigil na ang paglura ng dugo, sumunod ang pagkapawi ng ubo sa gabi at sa umaga.  Nanumbalik din ang dating mapulang kulay sa kanyang mukha at nanauli ang bulas ng kanyang katawan

XIII
Isang malamig na gabing ang buwan ay parang nakabitin sa langit na mangasul-ngasul, si Nestor at si Ligaya ay mapayapang nangakaluklok sa dalawang silyon sa lilim ng mayayabong na puno ng isang pino.

"Salamat sa iyo, Nestor," anang binibiro, "utang ko sa iyo ang akin gbuhay.   Ano kaya ang maibabayad ko sa iyong kagandahang loob?"

"Ligaya," anang binata naman.  "Pinagaling ko ang iyong sakit sa tulong ng Maykapal.  Datapuwa't ang karamdaman ko ay hindi mo pa nalulunasan hanggang ngayon."

"Anong karamdaman mo?"

"Ang karamdaman ng aking puso."

"Aba, si Nestor, hindi mo pa ba nalilimot ang bagay na iyan?"
"Kailan man ay hindi!  Ang aking pag-ibig ay malala  kaysa dati, Ligaya, lalong malubha."

"Ano ang sasabihin sa atin ng tao?  Magpinsan tayo'y..."

"Sa pagsinta ay walang magpinsan, " ang putol ni Nestor.  "Lalong mabuti sapagka't iisa ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat, iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso. At bakit natin pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang dila ng tao'y talagang makasalanan at hindi marunong humatol.  Alalahanin mo ang ating kabataan, ang pagmamahalan natin  noong tayo'y mga batang musmos.  Hindi ka ba nanghihinayang sa lahat ng yaon kung ikaw o ako, ngayong kita'y may gulang nang ganap, ay mapasaibang kamay at mapasaibang dibdib?"

"Ngunit"
"Huwag ka ng magdahilan, Ligaya. Sabihin mo na sa aking ako'y minamahal mo.  Ang laman ng iyong puso ay nakasulat sa iyong mga mata, kaya huwag mo na sanang susian  ang iyong bibig.

XIV.
Hindi na nakuhang magmatuwid ni Ligaya.  Ang katotohanan ay matagal na rin siyang umiibig nang lihim kay Nestor at malaon na ring nanariwa sa kanyang puso ang matamis na ala-ala ng kanilang kabataang yumao.

Bago sila naghiwalay ng gabing yaon ay pinabaunan muna niya si Nestor ng isang matamis na halik at inabutan ng isang bulaklak ng everlasting.

"Hayan ang aking pag-ibig."

"Pag-aralan mo sanang mahalin."

Nabalitaan na lamang ng lahat sa kahanga-hangang siyudad na rin ng malamig na Baguio idinaos ang luna de  miel ni Ligaya at ni Nestor.